Lhuillier kampeon, Spring Cooking Oil nag-walk-out

CEBU CITY-Napanatili ng M. Lhuillier ang Cebu Basketball League President’s Cup nang magaang na igupo ang Spring Cooking Oil sa pamamagitan ng forfeiture matapos na mag-walkout ang Oil Makers sa kanilang winner-take-all final sa Cebu Coliseum.

Angat ang ML Jewelers ng anim na puntos, 70-64 sa huling limang minuto nang lisanin ng Oil Makers ang kanilang bench matapos natawagan ng foul si Joel Co at technical foul kay assistant coach Ricky Magallanes ni referee Renato Andaya.

Inakusahan ni Andaya si Magallanes na nagwawagayway ng limang daang piso bilang kabayaran sa mga pabor na tawag sa M. Lhuillier.

Sa katunayan, sina Andaya at ang court partner na si Raleigh Relator ay mga Manila-based referees na miyembro ng NCAA at UAAP pool of referees.

Itinanggi ni Magallanes ang nasabing aksusasyon at ang nasabing masamang tawag ng mga referee ang siyang dahilan ng kanilang pagwo-walkout.

Nagsimula ang nasabing kaguluhan nang mahugutan si Co ng foul ni Tata Fernandez upang pigilan ito sa kanyang tangkang pagbuslo.

Agad na pumasok ang Oil Makers sa kanilang dugout at di na nagbalik pa kung kaya’t isinalpak ni Fernandez ang apat na free throws para sa 74-64 final na iskor dahilan upang ideklara ng referee na kampeon ang M.Lhuillier.

Show comments