Nestea Beach Volleyball muling raratsada

Makaraan ang matagumpay na beach volleyball competitions sa nakalipas na limang taon, muli na namang pupukaw ng pansin ang 6th Nestea Beach Volleyball University Championships.

Simula sa buwan ng Marso hanggang Abril, mapapasabak na sa aksiyon ang mga mahuhusay na collegiate players ng bansa para sa pinakamalaking school-based tournament. Tinatayang aabot sa 128 koponan mula sa 64 paaralan sa buong bansa ang inaasahang lalahok sa nasabing kompetisyon.

Noong 1997, umabot lamang sa 48 koponan mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad na karamihan ay mula sa Metro Manila area ang siyang umentra lamang sa event na ito. At matapos na maging matagumpay ang unang pagtatanghal ito ay nasundan pa ng mga tournaments na siyang pumukaw ng atensiyon ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan.

At ngayon na nasa ika-anim na taon na, magsisilbing punong abala ang La Salle Greenhills Beach Volleyball Court. Isasagawa ang Metro Manila eliminations sa Marso 9-10 at Abril 6-7. Mayroon namang pagkakataon ang mga manlalaro mula sa Luzon at Visayas-Mindanao na mapasabak sa supremidad ng beach volleyball sa Abril 13-14 at Abril17-18, ayon sa pagkakasunod.

Sagot lahat ng Nestea ang pamasahe at tirahan para sa Luzon at Vis-Min teams.

Ang magiging finalists sa nasabing elimination legs ay lilipad patungong Boracay upang kunin ang titulo kung saan may nakataya ritong mahigit sa P500,000 na ang magkakampeon ay mag-uuwi ng P100,000. Ang paaralan na kanilang kakatawanin ay mabibigyan ng P50,000 halaga ng sports equipment. Para sa mga interesadong paaralan, tumawag lamang sa secretariat sa 7227717.

Show comments