Sa ilalim ng bagong programa na inaprobahan kahapon ng POC executive board, ang mga piling atleta ng National Sports Associations (NSAs) na may malaking tsansa na mapasama sa qualifying para sa Busan Asiad ay kailangang magsumite ng kani-kanilang rekomendasyon para sa subsidy ng anumang katanggap-tanggap na international competition.
Gayunman, ipinaliwanag ni POC president Celso Dayrit na ang nasabing request at subject para sa approval ng POC executive board na siyang magbibigay ng konsiderasyon sa posibleng kontribusyon ng nasabing exposure para sa development ng mga atleta na lalahok sa quadrennial meet.
Kamakailan lamang, inihayag ng POC ang kanilang tulong sa siyam na atleta mula sa anim na Olympic sports sa ilalim ng International Olympic Solidarity Program.
Ang mga atletang nabigyan ng tulong sa kani-kanilang sports ay sina Purita Joy Marino, archery; John Baylon, judo; Rasheya Jasmin Luis, shooting; Eduardo Buenavista, John Lozada at Cristabel Martes, athletics; Walbert Mendoza, fencing at Roberto Cruz at Veronica Domingo, taekwondo.
Ang iba pang NSAs na ang kani-kanilang sports ay kasama sa Busan Games maliban sa anim na nabanggit na suportado ng Olympic Solidarity ay maaaring magsumite ng kani-kanilang aplikasyon para sa training subsidy.