DLSU-Zobel hiniya ng DLSU-Greenhills

Binokya ng La Salle-Greenhills ang De La Salle-Zobel, 3-0 kahapon upang dominahin ang boy’s high school division sa Philta Team Tennis Championships sa Rizal Memorial Tennis Center.

Ginapi ni Lawrence Magaway si Francis Dimaculangan, 6-1, 6-0 sa unang singles match, pinayukod ng tambalang Jandrick de Castro at Ian de Villa ang pareha nina Nicole Carpena at Dimaculangan, 6-4, 6-4 sa doubles habang kinumpleto naman ni Irwin de Guzman ang pananalasa ng kanilang koponan matapos na sibakin si Chase Tinio, 2-6, 6-4, (7-3).

Umiskor din ang Colegio de San Agustin’s grade school squad nina Kyle Dandan, Bryan Dayleg at Paul Cang ng 3-0 panalo kontra sa Ateneo-B.

Sa girls’ high school division, hiniya ng St. Benedict College ang Immaculate Concepcion Academy-B, 3-0 at pabagsakin naman ng De La Salle-Zobel ang Immaculate Concepcion Academy-A, 3-0 upang manatiling walang talo matapos ang dalawang laro.

Show comments