Tumapos ng ikaapat na puwesto sa elimination round, kinailangan ng Lady Falcons na dumaan sa butas ng karayom bago nila naigupo ang UST at UE na nagkaloob sa Adamson ng karapatan na mapasabak sa kampeonato.
Inaasahang isang mabigat na hamon ang ibibigay ng Lady Falcons sa pangunguna ng pitcher na si Leah Cruido na susuportahan nina catcher Arnie Hilotin at Pat Dimal para sa relief job.
Ang opensa ng San Marcelino based Adamson U nines ay nakasandal sa mga balikat nina Karen Aribal kasama sina Nelia Lara, Kathy Rance at Jenny Tang.
Pero ito ay tatapatan ng UP Maroonettes at kanilang isasalang ang pitcher na si Heidi Arca at catcher Cabalda na makakakuha ng malaking tulong mula kina Cathy Mariano, Lot Gervacio, Jessica Duenas at Mary Grace Enrique.
"Dehado kami dahil sa tinalo na nila kami ng dalawang beses noong elimination round, pero hindi sila nakakasiguro," wika ni coach Filomeno "Boy" Codiñera.
"Huwag lang kabahan ang mga bata, malaki ang tsansa namin na makuha ang title na huli naming hinawakan noong 1997," pahayag naman ni assistant coach Edwin Mercado ng UP Maroonettes.
Simula ng muling buhayin ang nasabing tournament, tanging ang Adamson U at UP ang siyang nanalo ng titulo kung saan ang Maroonettes ay nagsubi ng korona noong 1995, 96 at 97.