Matibay na depensa ang inilatag ni de Ocampo upang tumapos ng 11 puntos upang ihatid ang House Paints sa 66-47 panalo kontra sa Power Boosters sa Game Four ng kanilang best-of-seven titular showdown sa 2001 PBL Challenge Cup sa dinayong Makati Coliseum kagabi.
Bukod kay de Ocampo, lumutang din ang husay ni Jojo Manalo nang kanyang pangunahan ang opensa sa pagkamada ng 15 puntos na naging daan upang manatiling buhay ang pag-asa ng House Paints na maiukit ang kanilang magandang pamamaalam sa liga.
Bunga nito, ang serye ay nauwi sa 3-1 bentahe pabor sa Power Boosters at kailangan ng Welcoat na ma-sweep ang nalalabing tatlong laro upang mapasakamay ang korona.
Maagang ipinadama ng Welbest franchise ang kanilang determinasyon na umahon sa kanilang kinalulubugan nang agad na ipinta ang 24-puntos na kalamangan sa pagpasok ng second quarter na siya nilang naging susi sa kanilang tagumpay.
Mula sa 39-15 bentahe ng Welcoat, nagtangkang bumangon ang Shark nang magbaba ng 12-4 salvo upang makalapit sa 33-43 sa huling apat na minuto ng third canto.
Ngunit hindi natinag ang Welcoat at sila naman ang sumagot ng 9-3 run sa pagsisikap nina Manalo, Brixter Encarnacion at de Ocampo upang muling palobohin ang kanilang kalamangan sa 57-38 patungong huling anim na minuto ng final canto.