Ang 27-gulang na si Quirimit na sumikat dito matapos nitong pagharian ang Stage 1, ay kasama sa unang massed finish na pinangunahan ni time trial champion Robert Hunter ng Mapei-Quickstep.
Ang tiyempong apat na oras, 19 minuto at 40 segundo ni Quirimit sa pagtahak ng 183.5km, ay pareho sa pumangalawang si Gader Mizbani ng Telekom All-Stars at Makoto Iijima ng Japan ngunit nahuli ng 38 at 58 segundo ang dalawa, ayon sa pagkakasunod.
Si Quirimit ay may kabuuang 4:46.03 oras matapos ang dalawang araw na karera.
Ang tanging Pinoy na kasama sa top 10 sa Asian standings ay ang baguhang si Emilito Atilano na nasa ikasiyam na puwesto na may 4:48.33.
Nanatili pa rin sa third place ang Philippines sa team rankings sa oras na 14:23.27 sa likuran ng nangungunang Japan, 14:21.34 at pumapangalawang Malaysia na may 14:22.16.
Nakuha ng Japan ang liderato bunga ng kanilang apat na riders na na sa top 10. Ito ay sina Iijima na pumangatlo, Kazuya Okzaki na ikaapat, Shinichi Fukushima na ika-anim at Tamoya Kano na nasa ikapito.
Ang defending champion na Telekom All-Stars ay may tatlong cyclist sa top 10 na sina Mizbani (second), Tonton Susanto ng Indonesia (5th) at Iranian Ahad Kazemi.
Hindi kasama sa top ten sina Marlboro Tour champions Wong Kampo ng Telekom All-Stars at Victor Espiritu ng Philippines ngunit inaasahang babawi ang mga ito sa Tapah-Bentong (Stage 4) at akyatan sa Genting Highlands (Stage 9)
May 151 rider naman ang mag-uunahan ngayon sa 129.6km na kapa-palooban ng dalawang Category 4 climbs.
Ang 10-araw na karerang ito na ginaganap sa buong Malaysia ay nilahukan ng 22-teams, karamihan mula sa Europe kabilang ang pitong Division 1 teams na may kabuuang distansiyang 1,310-kms.