BAP at MBA nagpulong ukol sa kaso ni Adducul

Nagkaroon ng pagpupulong kagabi ang Basketball Association of the Philippines at ang Metropolitan Basketball Association upang pag-usapan ang kalagayan ni Rommel Adducul sa Candidates Pool ng Philippine Basketball Association.

Nakipagkita kahapon si BAP secretary-general Graham Lim kay MBA Commissioner Chito Loyzaga upang magkipagkasundo kung paano maka-kasama si Adducul sa National pool.

"We were going to talk about it with Commissioner Loyzaga," pahayag ni Lim. "I still don’t know the entire issue kaya titignan pa lang namin kung paano ire-resolve. I still have to ask kung ano ‘yung status niya (Addu-cul).."

Matatandaang hindi pinayagan ng MBA si Adducul na makilahok sa try-outs ng 30-man Candidates Pool na ginaganap sa Moro Lorenzo gym sa loob ng Ateneo dahil ayon sa liga, kumplikado ito sa kanyang paglalaro sa Batangas Blades kung saan mayroon itong dalawang taong kontrata.

Gayunpaman, isinama pa rin si Adducul ni National coach Jong Uichico sa isa sa Candidates Team na sasabak sa Governors Cup ng PBA na magsisimula sa Pebrero 10. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)

Show comments