Pribadong sektor mahalaga sa sports - Buhain

Iginiit ng bagong Philippine Sports Commission (PSC) chairman na si Eric Buhain ang kahalagahan ng pribadong sektor para masiguro ang madaliang implementasyon ng pangkalahatang sports development program ng bansa.

"Budget has always been a problem that’s why I will not hesitate to appeal to the private sector for their help," pahayag ni Buhain sa lingguhang PSA Forum na ginaganap sa Holiday Inn Hotel, kahapon.

Ito ang unang pagdalo ni Buhain sa Forum matapos itong italaga ni Pangulong Arroyo bilang pinuno ng ahensiya noong nakaraang linggo kapalit ni Carlos ‘Butch’ Tuason na 42 buwang nanungkulan sa PSC.

Noong nakaraang taon, ipinangako ni First Gentleman Jose Miguel Arroyo ang kanyang buong suporta sa PSC para himukin ang pribadong sektor na tumulong sa ahensiya na siyang namamahala sa training ng mahigit 800 National athletes.

Sinabi rin ni Buhain na ipapatupad nito ang ‘cost cutting’ at posibleng bawasan ang mga consultants, regional directors, janitors at security personnel.

Nangako rin ang PSC chief na magiging bukas sa mga pinuno ng iba’t ibang National Sports Associations (NSAs) at sa Philippine Olympic Committee upang maiwasan ang kaguluhan sa mga NSAs.

Sinabi rin ni Buhain na isa sa kanyang prayoridad ang pag-isahin ang dalawang grupo ng mga atleta -- ang Athletes and Coaches Alliance of the Philippines (ACAP) at ng Philippine Amateur.

Show comments