Sa kasalukuyan ay nagbabayad ang Philippine Sports Commission (PSC) ng 20 foreign coaches na may buwanang sahod na nagkakahalaga ng $1,000 hanggang $2,500, maliban pa sa allowances at iba pang benepisyo.
Ang pagdinig ay ginawa kaugnay sa House Resolution 307 na inihain ni Rep. Monico Puentebella na humihiling na imbestigahan kung dapat pa bang ipagpatuloy ng PSC ang polisiya nitong pag-iimport ng mga coaches gayong marami naman umanong magagaling na coaches sa bansa.
Layunin din ng resolusyon na itaguyod ang standardization ng suweldo at allowances ng mga atleta at coaches, dayuhan man o local at maging ang training at development ng mga local coaches.
Kaugnay nito, iniutos ng komite sa PSC na gumawa ng guidelines para sa nasabing hiring ng mga foreign coaches na nagsasanay ng mga Pilipinong manlalaro.
Sinabi naman ni dating PSC Chairman Carlos Tuason na ang pagkuha sa mga dayuhang tagapagsanay ay matagal nang ginagawa ng PSC at ipinagpatuloy na lamang nila ito. (Ulat ni Malou Escudero)