Shark lusot sa semifinals

Nalusutan ng defending champion Shark Energy Drinks ang mabigat na hamon ng Ana Freezers kahapon, 80-69 sa kanilang knock-out match at umusad sa cross-over semifinals ng 2001 PBL Challenge Cup.

Bunga nito, muling magku-krus ang landas ng Shark at ng ICTSI-La Salle na nauna nang umabante sa semis round matapos ang kanilang play-off match noong Enero 17.

"Ang sinabi ko sa team, dahil natalo kami sa last games namin againts ICTSI, let us consider na best-of-three series ito. Nakauna sila, kaya kailangang i-motivate sila na kaya naming pumasok sa finals," wika ni coach Leo Austria.

Ibinasura ng Shark ang ginawang paghahamok ng Ana sa kaagahan ng fourth quarter matapos ang 7-0 run na pinakawalan ng Freezer kings para itabla ang iskor sa 57-all, 8:11 ang oras sa laro na bumura sa kanilang 50-56 pagkakabaon.

"Mataas ang morale ng team dahil nga nakabawi kami sa last two loses namin," ani Austria. "I have to give credit to Junio because he hit some big shots and si Sotto, talagang well focused, nag-step -up talaga. Ibang-iba ang laro niya," dagdag pa ni Austria.

Umalma sina Chester Tolomia, Fil-Am Clarence Cole at Irvin Sotto na naglunsad ng 8-0 run upang umabante ang Shark sa 65-57.

Patuloy na nakipagsapalaran ang Ana at nakalapit sa 67-71 ngunit ang tres ni rookie Ismael Junio ang nagpatatag sa Shark matapos lumayo sa 74-67, 1:04 na lamang ang oras sa laro.

Humakot si Sotto ng 23-puntos dagdag ang 8 rebounds habang tumapos naman si Junio ng 14-puntos.

Show comments