Ayon sa manager ni Peñalosa na si Rudy Salud, si Peñalosa ang bida sa fight card na katatampukan ng mga beteranong sina Samuel Duran, ang Philippine featherweight champion kontra sa no. 4 rated Fernando Montilla o sa isang rated alternate at WBC International bantamweight champion Abner Cordero na haharap naman sa bigating si Raffy Aladi sa 10-round non-title bouts.
Galing lamang si Avila sa split decision panalo kontra kay Junver Halog para sa WBC International interim superflyweight title at nanalo sa kanyang huling tatlong laban para sa kanyang ring record na 25-panalo, 8-losses at 3-draw kabilang ang 12-knockouts. Ang 28 gulang na si Peñalosa ay may record na 43-4-2 na may 28 KOs.
Inaasahang mabigat na hamon ang tatanggapin ni Peñalosa, na nagsasanay ngayon, kay Avila na naghahangad makakuha ng mandatory shot sa world title na kasalukuyang hawak ng Japan-born North Korean na si Masamori Tokuyama na tumalo kay Peñalosa sa isang kontrobersiyal na laban noong nakaraang taon.
Sakaling manalo si Peñalosa, nakatakda itong magtungo sa Los Angeles para magsanay sa ilalim ng kilalang American coach na si Freddie Roach sa kanyang Wild Card Gym malapit sa Hollywood kung saan inaasahang magkakaroon ito ng tune-up fight sa US bago ang kanyang mandatory shot.