Welcoat vs ICTSI-DLSU sa 2001 PBL Challenge Cup

Magsasagupa ang nangu-ngunang ICTSI-La Salle at Welcoat Paints sa mahalagang laban ngayon na tutukoy ng kanilang kapalaran sa 2001 PBL Challenge Cup sa Makati Coliseum.

Ang panalo ng Archers kontra sa Paint Masters sa alas-5:30 ng hapong engkuwentro ang magkakaloob sa kanila ng no. 1 spot at awtomatikong seeded sa semifinal round.

Ngunit ang kabiguan ay maglalagay sa kanila sa alanganing sitwasyon na makuha ang semis slot na magbibigay naman ng tsansa sa Welcoat na makapuwersa ng playoff para sa automatic semifinals berth.

Sa iba pang laban, hangad ng Blu Detergent na makabawi sa kanilang dalawang sunod na kabiguan sa kanilang pakikipagharap sa Kutitap Toothpaste sa alas-3:30 ng hapon.

Pinapaborang manalo ang Detergent Kings dahil sa 72-62 pamamayani kontra sa Teeth Sparklers sa kanilang unang pagkikita noong Nobyembre 3.

Galing naman ang La Salle sa 100-82 panalo kontra sa Ana Freezers noong Sabado at ito ang kanilang inspirasyon para maduplika ang 88-83 panalo kontra sa Welcoat noong Nobyembre 29.

"Magandang pabaon ‘yan going to that stage one-step closer to the finals. Of course, it will be a big morale booster but moreover, it will be a bigger honor for us to wind up as the No. 1 team," ani ICTSI coach Franz Pumaren.

Inaasahang sasandalan ni Pumaren sina Adonis Sta. Maria, Mike Cortez, Nelbert Omolon at pro-bound Alvin Castro na tatapatan naman nina Yancy de Ocampo, Frederick Canlas, Jojo Manalo, Ren Ren Ritualo at Celino Cruz na nakatakdang pumalaot na sa PBA matapos ma-draft noong Linggo.

Show comments