Si Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao ang magbibigay ng keynote speech para kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na di makakasipot dahil sa kanyang mga naunang out-of-town commitment ngunit ipinaabot pa rin ng Chief Executive ang kanyang pagbati sa mga awardees.
Nakatakda ang PSA Annual Awards Night sa alas-7:00 ng gabi sa Coral Ballroom ng Holiday Inn Hotel kung saan sina billiards King Efren Bata Reyes at golfer Dorothy Delasin ang co-Athletes of the Year dahil sa kanilang matagumpay na taon noong 2001.
Sina Noli Eala at Chiqui Roa-Puno ang hosts sa naturang event na ikokober ng Viva-Vintage Television.
Si Reyes na kilalang pinakamahusay na pool player sa buong mundo, ay naging Athlete of the Year noong 1999 kung saan naghari ito sa 9-ball championship sa Cardiff, Wales. Hindi ito lumahok sa isang torneo sa Pennsylvania upang tanggapin ang award sa gabing ito.
Wala namang naging kalaban ang 21-gulang na si Delasin noong 2001 bilang top athlete ng bansa dahil sa kanyang tagumpay sa LPGA tour sa kanyang rookie year kung saan tinalo nito ang top 20 players sa buong mundo sa Samsung Championships.
Walong major awards ang ibibigay para kina basketball stars Danny Ildefonso (pro) at Renren Ritualo (amateur), boxer Manny Pacquiao,
trackster Eduardo Buenavista, bowler Liza del Rosario, golfer Frankie Minoza, jockey Pat Dilema at para sa horse of the year Wind Blown.
Inimbitahan sa parangal na ito na sponsored ng Photokina Marketing at Red Bull sa tulong ng PSC, PCSO at sportsman Hermie Esguerra, sina POC president Celso Dayrit, PSC Chairman Carlos Tuason, GAB chief Eduardo Villanueva, Rep. Monico Puentavella at Lt. Gen. Benjamin Defensor.