Pagsusumite ng eligibility para sa PBA Draft hanggang ngayon na lang

Sasalaing mabuti ng Philippine Basketball Association Commissioner’s office ang lahat ng 81 aplikante para sa 2002 Draft ngayon at ihahayag ang pinal na listahan sa Biyernes.

Ang mga players na nagpasa ng application forms ngunit may kulang pang papeles para makumpirma ang kanilang eligibility ay maaaring magpasa ng kanilang mga dokumento bago magsara ang opisina ngayon.

Habang sinusulat ang artikulong ito, wala pang kalahati ng mga aplikante ang nakakumpleto ng kanilang mga requirements at dadalawa pa lamang na Fil-foreign players ang nakapag-sumite ng kanilang confirmations mula sa Department of Justice.

Binigyang diin ni Commissioner Jun Bernardino na ang mga players mula sa MBA at PBL ay kailangan ding magsumite ng kanilang release papers mula sa kani-kanilang mother teams para maging eligible.

Gaganapin ang Drafting sa Linggo sa Glorietta sa Makati at ang lahat nang makakasamang players ay kinakailangang magtungo sa PBA office, 3rd floor, Building A, Philippine Sports Commission Complex sa Pasig ng alas-3 ng hapon sa Biyernes para sa briefing.

Show comments