17-anyos nanguna sa Milo Checkmate Final Selection

Nagposte ang 17-anyos na si Dexter Dacanay ng isang panalo at isang draw noong Miyerkules upang pamunuan ang 13-above division sa second round ng Milo Checkmate final selection tournament na ginanap sa Rizal Memorial Sports Complex (Badminton Bldg.) sa Vito Cruz, Manila.

Tinalo ni Dacanay si Paolo Bautista sa 45 moves ng Sicilian defense at nakipag-draw kay Franz Enerico Cruz matapos ang 32 sulungan ng Queen’s Pawn game upang itala ang 1.5 puntos matapos ang dalawang rounds.

Ginulantang naman ng 12-anyos na si Jaroz Felipe na nanaig kontra Menachem Loyola sa unang round si Bruce Alfred Reyes sa 52 moves ng isa pang Sicilian game upang pamunuan ang 12-under bracket sa kanyang itinalang perpektong dalawang puntos.

Magkakasama naman na may 1.5 puntos sina Angelo Macaraig at Aaron Rivas na naghati sa puntos matapos ang 54 moves ng kanyang paboritong Sicilian defense sa seven-Round Robin system event na ito.

Sa 10-under bracket, nananatiling malinis ang record ni Amram Ezra Rivas na may dalawang puntos, habang nakasunod naman sa kanya si Emmanuel Eumir Songcuya II na may 1.5 puntos.

Ang top finisher sa 13-above kasama ang top five sa 12-under at top two sa 10-under ang siyang makakasama naman ni Gabby Layugan patungong Amerika.

Show comments