Bagamat nasa ikaapat na puwesto sa likod nina Fil-Ams Chris Clay at Jeffrey Flowers ng FedEx Laguna Lakers at 1998 MVP John Ferriols ng Negros Slashers sa statistical points, nakuha ng 6-foot-3 na si Laure, tubong Katipunan, Zamboanga del Norte ang lahat ng boto ng sports media na nagko-cover sa MBA upang mapagwagian ang naturang award na napagwagian ng kanyang teammate na si Romel Adducul noong isang taon.
"Una sa lahat, gusto kong magpasalamat sa ating Panginoon dahil sa pagka-kaloob Niya sa akin ng lakas at talent para makapaglaro ng basketball," pahayag ng 24-anyos na si Laure na nadiskubre sa Palarong Pambansa.
Si Laure ay nadiskubre ng kanyang agent-manager Charlie Dy sa nakaraang 1995 Palarong Pambansa sa Pangasinan habang naglalaro sa Region XII, isang taon matapos ang kanyang ama ay yumao.
Dinala ni Dy si Laure sa Adamson University kung saan ito ay naglaro ng tatlong taon sa Falcons sa UAAP simula 1995-97.
Ang kanyang mahusay na paglalaro ang nagbigay kay Laure ng magandang pagkakataon sa taong ito. Una siya ay napiling maging isa sa miyembro ng Philippine mens basketball team na nagbulsa ng ginto sa nakaraang 21st Southeast Asian Games sa Malaysia.
Ayon sa mga observers at iba pang basketball opisyal mula sa iba pang Southeast Asian countries, kung may-roon mang MVP award na ipinagkaloob ng SEA Games organizers, walang iba silang pipiliin kundi si Laure bunga ng kanyang consistent performance sa buong tournament.
Ang karanasang nakuha ni Laure sa SEA Games ang nagbigay sa kanya ng major role sa kampanya ng Blades sa kanilang kauna-unahang MBA Conference at National titles.
"Gusto kong magpasalamat sa lahat ng mga taong nakatulong at sumuporta sa akin para maabot ko ang kinalalagyan ko, sa aming mga utility, sa manager ko, sa aking pamilya at higit sa lahat sa mga press na nakapansin sa mga pinaghirapan ko, maraming maraming salamat po," wika pa ni Laure.
"Hindi ko talaga inaasahan na ako ang mananalo nito," dagdag pa niya na naging seldom-used player lamang nang ito ay naglalaro pa sa Agfa at Red Bull sa Philippine Basketball League (PBL) bago naging isa sa franchise player ng Batangas.
Gaya ni Laure, ang 30-anyos na si Racela ang siyang pinakabatang coach sa apat na taong kasaysayan ng MBA na nanalo ng Conference at National crown na nagluklok sa kanya bilang Coach of the Year matapos na makuha ang lahat ng boto ng media.
Bukod kay Laure, ang iba pang nahirang sa Mythical Team ay ang kanyang teammates na sina Adducul at Alex Compton, Ferriols ng Negros at Chito Victolero ng San Juan.
Nasungkit naman ni Reynel Hugnatan ng Negros Slashers ang Most Improved Player award, habang napasakamay ni Peter June Simon ng TPG Davao Eagles ang Discovery of the Year award.
Ang sentrong si Omanzie Rodriguez ng San Juan ang siyang nahirang na Defensive Player of the Year.