Napasakamay na ni Dandy Gallenero ang gold sa mens javelin throw sa nakaraang 21st Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur noong nakaraang Setyembre.
Nagkakaisang iprinoklama si Gallenero na nagwagi ng Southeast Asian Games Federation Executive Committee sa nakaraang meeting noong Disyembre 20 sa Kuala Lumpur matapos madiskuwalipika ang gold medalist na si Thirdsak Boonjansri ng Thailand dahil sa nabigo itong sumailalim sa drug test.
Ang winning mark na naitala ni Gallenero ay 67.14 metro na ungos sa Myan-mars Kyaw Swar Moe (64.48m) at Thailands Sanya Buathong.
Ang iba pang atleta na idineklarang gold medalist ay si Chom Shinghoi ng Thailand sa weightlifting (mens 62kg category) kung saan ang orihinal na nanalo na si Gustar Juni Anto ng Indonesia ay positibo sa droga.
Natapyasan din ng silver medal si discus thrower Wansawang Sawusdee ng Thailand matapos na mabigo ring magpa-drug test. Ipinag-kaloob kay Duong Enxin ang silver matapos na ihatid ang Singapore sa 1-2 finish at si Wong Tuck Yim James ang siyang nagbulsa ng ginto sa kanyang kinanang 56.93m.
Dumalo si Philippine Olympic Committee board member at Philippine Football Federation president Rene Z. Adad sa nasabing SEAGF meeting na pinangasiwaan ni Tunku Imran Ibni Tuanku Jaafar, presidente ng Malaysian Olympic Committee.
Inaatasan din ang mga nadiskuwalipikang mga atleta na isauli ang kani-kanilang mga medalya bago sumapit ang Enero 20 ng susunod na taon. Ang iba pang atleta na apektado ng disqualification ay kailangan ring magbalik ng kani-kanilang medalya sa kani-kanilang NOCs (National Olympic Committees) sa nasabi ring petsa upang maibigay ang tamang premyo.
"Both Thai and Indonesian representatives, na dumalo rin sa meeting ay humingi ng paumanhin sa SEAG Federation," paliwanag ni Adad.
Ang gold ni Gallenero ang ikasiyam sa athletics.
Ang iba pang athletics winners ay sina Eduardo Buena-vista (3,000m steeplechase at 5,000m run), Ernie Candelario (400m), Fidel Gallenero (decathlon), John Lozada (100m), Elma Muros (heptathlon), Cristabel Martes (womens marathon) at Roy Vence (mens marathon).