Magtitipun-tipon ang mga darters sa Amber Ihaw-Ihaw Restaurant sa Makati City sa Sabado, Disyembre 29, para sa P7,000 Huling Hirit Darts 2001 (para kay baby Boy Rodel Dableo).
Ang year-end tournament ay isang birthday tournament ni Darts Council of the Philippines (DCP) Director for Operations Errol Magtubo na taun-taon ay nagdo-donate ng kinita nito sa mga charitable institutions.
"Napanood ko si Rodel sa television at naawa ako," ani Magtubo.
Si Dableo, may edad na isang taon at pitong buwan ay pasyente ng Bisig Bayan ni Mel Tiangco. Ang kanyang ama ay namatay dahil sa kidney problem matapos na ipanganak siya at dahil ditoy nag-iisa ang kanyang inang labandera na bumubuhay sa tatlong magkakapatid.
Noong Disyembre 22, isang pre-Christmas tournament na ginanap din sa Ambers ay nakatanggap na ng mga donasyon si Rodel na naging panauhing pandangal ng mga darters.
Inaasahang marami pang kontribusyon ang kanyang matatanggap sa Sabado sa torneong inisponsoran nina Larry Memije, Louie de Jesus at friends of ERM. Ang iba pang sumusporta sa torneo ay ang Ambers Restaurant, Gameworx, Terton Craft, Data-trade, Tobys Winmau Sports, Unicorn, Dataware, Burlington House, Monch Rebullida at Rolly Sacdalan.
Ang tournament format ay classified doubles, killers/double knockout. Ang entry fee ay P100. Magsisimula ang rehistrasyon sa ganap na alas-7 ng gabi at ang laro ay sa ganap na alas-8:30 ng gabi.