Francisco hinirang bilang PBAPC Finals' MVP

Hindi man sinlaki ng papel nina import Damien Owens, Marlou Aquino at Dennis Espino, hindi matatawaran ang kontribusyon ni Gerard Francisco sa nakaraang titular showdown ng Sta. Lucia Realty at San Miguel Beer upang maagaw ng Realtors sa Beermen ang PBA season ending Governors Cup.

Ito ay kinilala ng mga media na miyembro ng PBA Press Corps sa pamamagitan ng paggawad kay Francisco ng Finals Most Valuable Player sa isinagawang botohan matapos makopo ng Realtors ang kanilang kauna-unahang titulo noong Linggo.

Sa best-of-seven championship series na tinapos ng Sta. Lucia sa 4-2, panalo-talo, si Francisco ay nagtala ng kabuuang 58-puntos, 37-rebounds, 11-assists sa kabuuang 172 minutong paglalaro.

Si Francisco ay may kabuuang 49% sa field goal, (15-of-28) kabilang ang 9-of-21 sa tres. Mayroon itong average na 6.2 rebounds per game, 9.7 points per game at 1.8 assists per game.

"Gerard (Francisco) really stepped up in the finals series. He really hit some big shots for us. If he’s not the best players, he’s probably the most improved player," pahayag ni coach Norman Black ng Sta. Lucia.

Sa game-title clinching na Game Six kung saan pumukol ng mahalagang tres ang ‘stepson’ na si Cris Tan upang wakasan ang siyam na taon nang pagkauhaw ng Realtors sa titulo.

Sa larong ito, umiskor lamang ng dalawang tres si Francisco, ngunit ito ay mga krusiyal na puntos para sa Realtors.

Umiskor si Francisco ng 12-puntos at humatak ng 13-rebounds sa opening series na nakopo ng Realtors sa 86-80 score at sa Game Three kung saan nakuha ng Sta. Lucia ang 2-1 bentahe sa pamamagitan ng 83-74 panalo, nagtala si Francisco ng 13-puntos, 3-of-6 mula sa triple area.

Show comments