Ito ang napag-alaman sa isang interview kay Jaime Sebastian, pangulo ng Athletes and Coaches Alliance of the Philippines (ACAP) na nauna ng naghain ng reklamo ng graft and corruption laban kay PSC Chairman Carlos Butch Tuason sa Ombudsman.
Base na rin sa inihaing reklamo sa Ombudsman, nakipagkita ang ACAP kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacañang kung saan nangako ang Chief Executive na kanyang iimbestigahan ang nasabing alegasyon sa pamamagitan ng PAGC.
"We appeared before the PAGC upon the invitation of its commissioner and officer-in-charge Teresita Baltazar last Friday. She told us to gather more documents and evidences to prove that graft and corruption are rampant in the PSC," pahayag ni Sebastian.
Inakusahan ng ACAP kasama ang iba pang grupo sa sporting community si Tuason na nakipagsabwatan sa ilang matataas na opisyal na gumawa ng graft sa pamamagitan ng pag-entra sa ma-anomalyang infrastructure deals gamit ang pera ng PSC.
Binanggit ng grupo ang multi-milyong rehabilitasyong projects ng Rizal Memorial Sports Complex at PhilSports Complex simula ng umupo si Tuason sa kanyang opisina noong 1998 at sa kanyang kaso, kapwa niya nilabag ang Anti-Graft law at ang batas na gumawa sa PSC.
At ayon kay Sebastian, kung ang lahat ng kaso ay balido, ang taong sangkot ay maaaring maakusahan ng plunder dahil sa multi-milyon na pera ng gobyerno ang ginamit.