Nagsanib ng puwersa sina Mike Cortez at Dominic Uy upang pangunahan ang 17-3 run na naghatid sa Archers sa panigurong 87-73 kalamangan patungong huling 46 segundo ng labanan tungo sa kanilang ikaanim na panalo sa 8-laro.
Mula sa 46-62 pagkakahuli, unti-unting nakabangon ang Jewelers upang maitabla ang iskor sa 68-68 matapos ang basket ni Francis Zamora.
Ngunit buhat sa 70-pagtatabla, nakawala ang La Salle mula sa basket ni Uy na sinundan ng anim na sunod na puntos ni Cortez para sa 78-70 bentahe ng Archers.
Nabuhayan pa ang Montana nang umiskor ng three-point play si Garry David, 73-78 ngunit gumanti rin ng three-point play si Gilbert Omolon na tuluyan nang dumiskaril sa Jewelers upang malasap ang kanilang ikawalong talo sa 10-laro.
Pinangunahan ni Glen Yap ang ITCSI-DLSU sa kanyang tinapos na 17-puntos, 14-nito sa unang quarter kasunod si Alvin Castro na may 12-puntos habang sina Gilbert Omolon, Willy Wilson at Cortez ay may 11, 11 at 10-puntos, ayon sa pagkakasunod.
"Akala namin bibigay na ang Montana after our 16-point lead but they made a run," pahayag ni La Salle coach Franz Pumaren. "Its a good thing we kept our game in the end."
Nasayang ang pinagpagurang 22-puntos ni Mark Macapagal, 14 nito ay sa ikatlong quarter gayundin ang 11, 10 at 10-puntos nina Jenkins Mesina, Gilbert Lao at Francis Zamora, ayon sa pagkakasunod bunga ng kanilang kabiguan.