Humakot ng 17 gintong medalya mula sa swimming competition ang Big City na nagtapos ng kanilang kampanya sa Palarong ito para sa mga kabataang 12-gulang at pababa sa pagsukbit ng dalawang gold medals mula sa taekwondo kahapon.
Bayani ng Manila sina triple gold medalists Kimberly Uy at Gian Berino kasama ang mga double gold medalists na sina Heidi Gem Ong, Leland Tan, Jose Luigino Baylon at Maria Arebejo Infantado.
Sa pagtatapos ng pitong araw na event na ito na nilahukan ng 91 local sports councils, ang Manila na nagpadala ng 44 atleta sa pitong araw na event na ito ay may 47 medals, 22 golds, 14 silvers at 11 bronzes.
Ang iba pang nag-ambag sa produksiyon ng Manila ay sina William Bernardino at Cynthia Tajun na naka-sweep ng dalawang Latin at Standard events sa dance-sports, Aaron Krishna Rivas mula sa 12-under chess at sina Paolo Miguel Angeles at Gyle Michael Genoso sa taekwondo.
"Masayang-masaya siyempre," pahayag ni Manila delegation head Ali Atienza. "Imagine, we had 44 athletes and we copped 46 medals. I think that tells a lot on the stuff our team is made of."
Apat na golds lamang ang naisukbit ng Laguna sa huling araw ng kompetisyon para sa kanilang kabuuang 17 golds, 9 silvers at 12 bronzes para magkasya lamang sa pagiging runner up matapos dominahin ang naunang dalawang pagtatanghal ng Batang Pinoy dito sa Bacolod at Laguna, ayon sa pagkakasunod.
Pumangatlo naman ang host Bacolod City sa kanilang 11-10-12 gold-silver-bronze production kasunod ang Cebu Province (9-3-6), Rizal (8-2-12), Muntinlupa City (6-6-4), Cebu City (5-12-8), Albay (5-10-5), Iloilo City (5-5-6) at Cavite (5-5-2).
Nakopo naman ng Albay ang athletics title bunga ng kanilang limang gintong medalya ngunit pumukaw ng pansin ang kaisa-isang entry ng Bukidnon na si Rory del Camong at Dina Trabucon ng Davao del Norte na kapwa nag-uwi ng tigatlong me-dalya.
Apat na gold ang naibulsa ng Capiz para sa badminton title, ang gymnastics ay pinagharian naman ng Muntinlupa nang kanilang ma-sweep ang anim na events.
Sa karatedo namayagpag ang Cebu Province sa kanilang 5 golds.
Sa likod ng malakas na ulan dulot ng bagyong Quedan, hindi nito napigil ang closing ceremonies sa Panaad Stadium kahapon kung saan sina PSC Chairman Butch Tuason ang nagdeklara ng pormal na pagsasara ng Palaro at si Commissioner Weena Lim ang project director, ang nagbaba ng bandila ng Batang Pinoy.