Pinangunahan ni Leland Robinson Tan ang Manila sa kanyang dalawang gintong nakuha kahapon habang naibulsa naman nina Kimberly Uy at Heidi Gem Ong ang kanilang ikalawang gintong medalya dagdag ang tagumpay ni Jose Luigino Baylon.
Bunga nito, ang Maynila ay mayroon nang 11 golds dagdag ang apat na ginto sa swimming at dalawa sa dance sport bukod pa sa siyam na silver at limang bronzes kasunod ang host Bacolod na mayroong 7-golds, tatlo mula sa swimming kahapon, bukod pa sa 6-silvers at 7-bronzes.
Nagtala ng bagong record sina Ong sa girls 11-12 years old 100-meter freestyle sa kanyang naitalang 1:03.73 na dumaig sa 1:06.22 ni Kerstine Velez ng Negros Occidental na kanyang naitala sa unang edisyon ng Batang Pinoy na dito rin ginanap noong 1998 at Baylon sa boys 7-8 yrs. old 100m butterfly sa tiyempong 1:25.36 na sumira sa 1:37.33 ni Aphrodite Magbanlac.
Nilangoy naman ni Tan ang kanyang dalawang ginto sa boys 6-under 50m backstroke at 50m breaststroke habang ang ginto ni Uy ay galing sa girls 6-under 50m backstroke.
Unang naka-ginto sina Ong sa 11-12 yrs. old sa 50m freestyle. Record-breaking performance ang ipinamalas ni Villanueva sa boys 9-yrs. old, 50m free-style at sa 50m backstroke dagdag sa kanyang naunang gold sa 9-10 50m freestyle.
Binura ni Villanueva ang 1:10 record ni Ernest Dy sa kanyang 1:04.38 performance sa freestyle habang sinira naman nito ang 37.99 ni Wilfredo Laysico sa backstroke sa kanyang tiyempong 36.45.
Nagtala rin ng bagong record si Cordero sa girls 7-8 100m free-style at 50m breaststrokes upang iangat sa 7 golds ang produksiyon ng Rizal dagdag pa ang tagumpay ng kapwa swimmer na si Neihum Sadeq at Jofred Astillasa sa floor exercise sa gymnastics. (Ulat ni Carmela Ochoa)