PBL Challenge Cup: Welcoat taob sa Ateneo-Pioneer

Pinalakas ng Ateneo-Pioneer ang kanilang kampanya matapos magpakatatag sa huling bahagi ng laro upang talunin ang Welcoat Paints, 72-67 sa pagpapatuloy ng 2001 PBL Challenge Cup sa Makati Coliseum.

Nagpamalas si Enrico Villanueva ng mahusay na performance ng humakot ng 16 puntos at pitong rebounds, habang nakakuha siya ng suporta mula kina Rich Alvarez, Edrick Ferrer at Leo Avenido na tumapyas naman ng tig-14 puntos upang ihatid ang Blue Eagles Insurers sa ikatlong panalo matapos ang pitong laro.

Ang kabiguan ay ikaapat na sunod ng House Paints matapos ang unang tatlong dikit na tagumpay dahilan upang makisosyo sila sa ikaapat na puwesto ng Ana Freezers, Ateneo at Montana Pawnshop.

Lamang ang Paint Masters sa 59-51 matapos ang unang tatlong quarters, ngunit sila ay nalimita sa anim na puntos ng Ateneo sa unang siyam na minuto ng final canto dahilan upang maagaw ang trangko sa 69-65 na hindi na nagawa pang lingunin ng Welcoat.

Isinelyo ni Eugene Tan ang kampanteng 67-69 kalamangan may 53 segundo pa ang nalalabi kung saan walang nagawa ang Welcoat kundi ang manahimik na lamang.

Show comments