Bukod na sa kakulangan sa budget at sa oras, masugid na pinagpursigihan ng Philippine Sports Commission sa pakikipagtulungan ng Bacolod City at Negros Occidental na itanghal ang kompetisyon para sa humigit-kumulang na 4,000 atleta na may edad na 12-gulang pababa.
Sa tulong ng mga pribadong kumpanya gayundin ang iniambag na P1.7 milyon ng Bacolod local government, nalikom ang P7 milyon para maidaos ang palarong ito na magarbong itinanghal noong 1998 na ginastusan ng P37 milyon at P27 milyon noong Enero para sa ikalawang edisyon.
"We would like to show with a little money but with a lot of enthusiasm and creavity, we can make things happen, and the returns in 10 folds," pahayag ni Bacolod Mayor Joy Valdez, sa isang press conference na ginanap sa Business Inn kahapon kung saan kasama nito sina PSC Commissioners Ritchie Garcia at Weena Lim, ang project director ng event na ito.
Kapalit ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, panauhing pandangal si Secretary of the Department of Interior and Local Government Joey Lina na siyang magdedeklara ng pormal na pagbubukas ng Batang Pinoy 2001 edition.
Sinabi naman ni Lim na tiniyak nitong magiging matagumpay ang pagdaraos ng Palarong ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng atensiyon sa mga naging problema sa mga naunang pagtatanghal partikular na ang pandaraya sa edad at ang hindi nakukuhang allowance ng mga atleta.
"These are the common complaints we got from the previous staging and these are the problems I had to address when I took over in Batang Pinoy."
Para sa mga koponang mahuhuling naglahok ng atletang lampas na 12-gulang, di makakalahok ang kanyang team sa sasalihang event sa unang offense at di naman makakalahok ang buong delegasyon sa ikalawang offense.
Sa taong ito, upang matiyak na makakarating sa mga atleta ang kanilang allowance ay personal na itong kukunin ng mga bata.
Sinabi din ni Lim na patuloy pa ring dumadagsa ang mga atleta hanggang ngayon at marami pa ring kumukuha ng kanilang accreditation ngunit sinabi nitong hindi na sila tumatanggap ng mga entries.
Magsisimula ang seremonya sa alas-5 ng hapon kung saan magpapalabas ang USLS Pep Squad at Artians, NOHS Brass bands habang sina Mayor Valdez at Governor Joseph Maranon ang magbibigay ng welcome remarks.
Sa 14 events, magkakaroon na ng kompetisyon sa badminton, boxing, football, Little League baseball at softball, lawn tennis at volleyball sa boys at girls division. (Ulat ni Carmela Ochoa)