Buong suporta sa Batang Pinoy ibubuhos

Inaasahan na ibubuhos ng host Bacolod City at Negros Occidental ang kanilang buong suporta para sa ikatlong Philippine National Youth Games-Batang Pinoy sa kabila na nagbabadya ang Laguna at dalawang iba pang siyudad bilang mahigpit na kalaban sa games na nakatakda sa Dec. 1-7.

Magpapadala ang Bacolod City ng contingent na 205 atleta, lahat ay pawang lalahok sa lahat ng 15 sports calendar sa 3rd PNYG-Batang Pinoy, ang co-host Negros Occidental ay magpapadala rin ng lahok na 183 atleta at opisyal at 199 naman ang Laguna na siyang host ng ikalawang edisyon ng nasabing palaro, habang ipapadala naman ng Cebu City ang 185 atleta.

Sa ngayon, 55 mula sa 115 local sports councils (LSCs) o local government units ang nag-padala rin ng kani-kanilang entries sa Batang Pinoy Secretariat, ngunit ayon kay technical committee head Ramon Suzara ang nasabing pigura ay posibleng tumaas pa sa susunod na mga araw o bago magsara ang patalaan.

Bukod sa PSC na siyang nagtataguyod ng nasabing palaro, ang kauna-unahang major national sports competition sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, naglaan din ang mga private sector ng suporta para sa games na lalahukan ng mga atleta na may edad 12-pababa.

Ito’y ang Negros Navigation, PAL, Mikasa, Pascual, National Sports Grill, Philippine Star, Daily Inquirer, Land Bank, Victor, WG&A Philippines, Kix, Asies, Nittaku, Butterfly at Dunlop.

Nakatakda ang 3rd PNYG-Batang Pinoy sa Dec. 1-7 at walang iba kundi ang Pangulong Arroyo ang siyang inaasahang magdedeklara ng pagbubukas ng nasabing kompetisyon. Idaraos ang palaro sa Panaad Sports Complex.

Ang iba pang LSCs na nagpadala ng kanilang lahok ay ang Cebu Province 100, Isabela at Pangasinan na may tig-83, General Santos 97 at Palawan 88. Magpapadala naman ang Manila ng 57 atleta at opisyal, 26 sa Mandaluyong, 21 sa Malabon at isa lamang ang Makati sa chess competitions.

Ang mga events na paglalabanan ay ang athletics, badminton, boxing, chess, dancesports, football, gymnastics, karatedo, baseball, softball, swimming, lawn tennis, table tennis, taekwondo at volleyball.

Show comments