Zambo Sur High bokya sa Zambo Sur National

PAGADIAN CITY-Binokya ng Zamboanga Sur National High ang Zambo Sur High (Sta. Lucia Annex), 2-0 noong nakaraang Linggo upang mapanatili ang Coke Go-for-Goal under-16 football title sa sports center dito.

Kumana si Flaviano Fucoy III ng dalawang goals upang tulungan ang kanyang koponan sa panibagong biyahe sa Western Mindanao sub-regional finals sa Nov. 27-28 sa Dipolog City. Ang iba pang maglalaban-laban sa finals ay ang Zamboanga City champion Zamboanga Polytechnic High at host Zamboanga Norte National High.

Sa iba pang laro, tinalo ng Surigao Norte National High ang host Agusan National High of Butuan City, 3-1 at nanaig naman ang Agusan del Sur sa Agusan Sur School of Arts and Trade, 4-2 upang kunin ang Caraga crown.

Makakaharap ng Surigao del Norte booters ang Cagayan de Oro na nanalo naman sa Initao National High at ang Bukidnon champion Holy Cross para sa slot ng All-Mindanao championship na nakatakda sa Dec. 11-15 sa General Santos City.

Sa ngayon, tatlong koponan naman ang nakapasok na sa Mindanao final berths--Davao champion Rizal Memorial Colleges of Davao City, Cotabato winner M’Lang National High at ang Calumpang National High of General Santos.

Show comments