At sa isang simpleng seremonya sa Malacañang Palace, personal na inabot ng Pangulo ang kanyang pagbati sa 48 National athletes na sumungkit ng gold medals sa ibat ibang events sa pangunguna ng double-gold medalists athletics star Eduardo Buenavista.
Sinabi pa ng Pangulo na ang naging tagumpay ng mga local athletes sa SEA Games ay nagsilbing isang solidong inspirasyon para lalo pa silang magsikap upang maisulong ang lokal na palakasan.
Tumapos ang bansa ng ikalimang puwesto sa overall medal standing na may naiuwing 30 golds, 66 silvers at 67 bronzes.
Ang nasabing Presidential cash incentives ay binubuo ng P100,000 para sa individual medalists, habang ang mga atletang sumabak sa team events ay kanilang paghahati-hatian ang P100,000 cash equivalent para sa gold medal.
Dumalo rin sa seremonyas sina Chairman Carlos Tuason ng Philippine Sports Commission kasama ang ilang sports leaders mula sa Philippine Olympic Committee at National Sports Association.
"Our latest performance in the SEA Games suggests that we really need to adopt more training and re-focus our strategy and funding to sports where we have an edge over other countries," wika ni Tuason.
Samantala, hinihintay pa rin ng Philippines ang final confirmation mula sa Olympic Council ng Malaysia para igawad ang isa pang gold sa javelin thrower Dandy Gallenero matapos na ma-diskuwalipika ang first placer na Thai na si Thirdsak Boonjansari sanhi ng pagiging positibo nito sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. At kapag natanggap na ang kumpirmasyon, ang bansa ay mayroon ng 31 ginto, 65 pilak at 67 tanso. (Ulat ni Lilia Tolentino)