Sa isang overseas telephone conversation sa Viva-Vintage Sports, sinabi ni Roach na nasa magandang kundisyon si Pacquiao at magandang sparring, sapul nang magbalik-training ito sa kanyang Wild Card Gym na malapit sa Hollywood, bilang paghahanda sa kanyang unification fight sa Sabado sa San Francisco.
Sinabi rin ni Roach na kabilang sa mga naging sparring partners ni Pacquiao ay ang hard-hiitng Mexicans na sina Gilbert Corrales, 19-0, 17 KOs; Carlos Mojica 14-0 at American champion Karen Harutyuan na malaki ang panga-ngatawan tulad ni Sanchez.
Ayon kay Roach na ang 22 anyos na kaliwete ay mas nasa magandang kundisyon ngayon kaysa noong lumaban ito kay Ledwaba at mas handang makipaglaban sa 31 anyos na si Sanchez sa bakbakang makikihati sa billing ang WBC super featherweight title bout sa pagitan ng undefeated champion na si Floyd Pretty Boy Mayweather at Number 1 contender Jesus Chavez.
Inilarawan ni Roach na dirty fighter si Sanchez na gumagamit ng ulo na nagiging dahilan ng low blows. Ngunit, kumpiyansa itong ang bilis ni Manny ang mamamahala dito.
Si Pacquiao ay dumating sa San Francisco noong Miyerkules at sinunod ang mga ibinilin ni Roach tulad ng light workout.
Sinabi ng trainer na darating ito sa San Francisco isang araw bago ang laban kung saan inaasahang panonoorin ng mga kapwa Filipino ang laban para mabigyan ng morale boost.
Ipapalabas ng Viva-Vintage ang laban via satellite simula sa alas-12 ng tanghali sa RPN-9 at handog ng San Miguel Beer.