Ano pa ba ang gagawin ng Philippine Basketball Association upang masigurong hindi mapapahiya ang National team na magdadala ng bandila ng bansa sa 2001 Asian Games sa Pusan, South Korea?
Paano kung baguhin ang rules?
Sa isang mapangahas na hakbang na tutulong sa RP team na makondisyon sa international regulations, nagmungkahi ang Office of the Commissioners ng ilang pagbabagong gagawin sa rules sa 2002 season.
Papayagan na ang zone defense sa unang professional league sa Asya upang masigurong hindi na maninibago pa ang PBA players sa pagsabak nito kontra sa malalaking manlalaro sa Asya sa susunod na taon.
Una nang tinanggap ang zone defense sa National Basketball Association dahil natatakot ito sa mga bansang sumasali sa Olympics at World basketball games.
Mula naman sa 48 na minutong playing minutes, gagawin na lang ito 40, ngunit hahatiin pa rin sa apat na yugto. Mayroon na lang walong segundo ang bawat koponan para maibaba ang bola sa halfcourt sa halip na 10 segundo.
Ang tatlong pangunahing pagbabagong ito ang ipinaalam ni PBA Commissioner Jun Bernardino sa buwanang pakikipagpulong sa Board of Governors ng bawat koponan at umaasang aaprubahan ito ng board.
"I think the members of the Board are very open minded and are one with the leagues goals in doing what is necessary to ensure victory in South Korea," wika ni Bernardino. "We want to give Asian Games our best shot and we hope that these changes would indeed help us in winning the gold in Pusan."
Matatandaang muling hiningi ng Basketball Association of the Philippines (BAP) ang tulong ng PBA sa pagbuo ng koponang ipapadala sa Asian Games sa ikaapat na sunod na pagkakataon.