Opisyal ng PSC nakipag-usap sa mga lider ng Bacolod at Negros para sa PNYG-BP

Opisyal na makikipag-usap ang mga opisyales ng Philippine Sports Commission (PSC) bukas sa mga lider ng Bacolod at Negros Occidental upang iselyo ang kanilang deal para sa dalawang local government units na siyang muling maging punong abala sa ikatlong edisyon ng Philippine National Youth Games-Batang Pinoy (PNYG-BP).

Nakatakdang magpirmahan sina PSC chairman Carlos Tuason at commissioner Amparo "Weena" Lim, project director ng Batang Pinoy ng isang Memorandum of Agreement (MOA) kina Bacolod City Mayor Luzviminda Valdez at Negros Occidental Gov. Joseph Marañon sa kanilang pagdalo sa PSA Forum sa Holiday Inn Hotel.

Ang ikatlong edisyon ng Batang Pinoy ay nakatakdang idaos sa December 1-7 sa Panaad Sports Complex.

Ito ang ikalawang pagkakataon na iho-host ng nasabing complex ang naturang games. Unang ginanap ang Batang Pinoy noong 1999 na ginanap sa pasilidad na matatagpuan sa Barangay Mansilingan, Bacolod City.

Sumunod ang Laguna ang siyang naging punong abala sa ikalawang pagtatanghal ng nabanggit na games noong nakaraang Dis. Ang ikatlong edisyon ay naigawad sa Laoag City, ngunit sila ay umurong sa kalagitnaan ng taong kasalukuyan dahil sa kakapusan ng budget sanhi ng mga pagbagyo. Tinangka ng San Fernando, Pampanga na dalhin sa kanilang complex ang PNYG-BP, subalit nag-withdraw rin ito kinalaunan bunga ng hindi natapos sa takdang oras ang mga pasilidad na gagamitin.

Ang Panaad complex ang naging venue na rin ng Centennial (1998) at Millennium (2000) Palarong Pambansa.

Aabot sa 4,000 atleta na pawang may mga edad 12 pababa mula sa 115 local sports councils o local government units ang maglalaban-laban sa isang linggong kompetisyon na tatampukan ng 15 sports disciplines --athletics, boxing, badminton, chess, dancesports, football, gymnastics, karatedo, lawn tennis, swimming, table tennis, taek-wondo, volleyball, Little League baseball at Little League softball.

Show comments