Na-kick-out si Mamaclay na hindi lamang sa varsity team ng Adamson University kundi sa mismong paaralan dahil tahasan nitong ipinahayag noon pa na kung papapiliin ito sa pagitan ng PBL at UAAP ay mas pipiliin nitong manatili sa una.
Humingi ng tulong si Mamaclay kay PBL commissioner Chino Trinidad matapos itong di payagang mag-enroll sa Adamson at hindi rin pinapasok sa quarters ng Falcons.
Nagkaroon na ng distansiya ang PBL at UAAP nang gayahin ng huli ang desisyon ng National Collegiate Athletics Association na pagbawalan ang mga players na maglaro sa naturang liga.
Ito ang naging aksiyon ng dalawang collegiate leagues matapos ihayag ng Games And Amusements Board na ang PBL ay isang professional league.
Sinabi ni Mamaclay na gusto nitong makapagtapos ng pag-aaral ngunit mas pipiliin niyang manatili sa PBL kung saan naglalaro ito sa Welcoat dahil kailangan niyang tustusan ang sarili at ang kanyang pamilya sa kanyang kinikita.
Sa iba pang balita, inaasahang mababatid na ngayon ang desisyon ng Malakanyang ukol sa kahilingan ng PBL na baligtarin ang naging desisyon ng GAB at kilalaning amateur league ang liga.
Magsisimula na ang Challenge Cup ng PBL sa Sabado kung saan may 8-koponan ang nakalistang kalahok ngunit kung hindi pa rin mababatid ang desisyon ng Malakanyang ay mapipilitang umatras ang Ateneo at La Salle team sa naturang torneo.