Pawang nabura ang mga dating Milo record sa 100-meter dash, 200-meter dash, 100-meter hurdles at shot put competitions ng mga bagong record na naitala ng mga batang atleta sa Metro Manila leg ng sports competition para sa mga kabataan.
Dalawang elementary students ang kumana ng bagong records breakers sa 200-m dash at 200-m hurdles. Tinabunan ni Rodney Diamante ng R. Palma Elementary School ang dating naitalang record noong nakaraang taon na 26.1 segundo sa 200-m dash nang gumawa ito ng bagong record na 26.06 segundo.
Samantala, winasak din ni Christine Delfin ng Legarda Elementary School ang dating 28.14 segundong tiyempo sa 200-m dash sa kan-yang kinanang bagong record na 28.14 segundo.
Tatlo ring high school students ang tumabon ng mga dating record sa 100-m dash, 100-m hurdles at shot put. Itinala ni Marco Gacute ng Sister of Mary School ang bagong 10.98 segundong marka sa 100-m dash.
Ito ay dinuplika ng kanyang teammate na si Diwata Pelaez nang kanyang wasakin ang dating 15.6 segundo sa itinalang 15.57 segundo sa 100-m hurdles. Nagposte rin ng panibagong record si Antonio Tan ng Ateneo de Manila University sa kanyang ipinukol na 10.44 metro sa shot put.
Ang nasabing Milo Little Olympics na ginanap rin kamakailan sa Pangasinan, Cagayan de Oro, Cebu City at Metro Manila ay nilahukan ng mahigit sa 20,000 mag-aaral mula sa ibat ibang elementary at high school students.