Ang katanungang ito ay nakatakdang sagutin ngayong ng SMC-quintet at ng STARmen sa kanilang nakatakdang laro kung saan nais nilang mapanatiling malinis ang kanilang kasalukuyang 2-0 win-loss slate sa pagpapatuloy ng Philippine Star Friendship Games sa Meralco Gym.
Unang makakaliskisan ang tikas ng SMC sa kanilang pakikipagdigma sa ABS-CBN sa alas-8:30 ng umaga, bago sasabak sa aksiyon ang Phil. Star kontra sa cellar-dweller UCPB dakong alas-11:30 ng tanghali.
Sa isa pang laro, pagbangon naman ang tangka ng RFM-Swift sa kanilang nakatakdang engkuwentro ng RCBC sa alas-10:30 ng umaga.
Siguradong mainit ang labanan sa pagitan ng RFM-Swift at ng RCBC kung saan nais ng Concepcion industries na makabangon na mula sa kanilang dalawang dikit na kamalasan, habang paghihiganti naman ang pakay ng RCBC mula sa kanilang nalasap na unang pagkatalo matapos ang dalawang asignatura.
Naitala ng Philippine Star,na mina-manage ni Kevin Belmonte at ng San Miguel ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos na magtagumpay sa huling laro.
Tinalo ng SMC quintet ang UCPB, 70-63, habang naitakas naman ng STARmen ang 89-73 pamamayani kontra sa RCBC.
Nakapasok naman sa win-column ang ABS-CBN nang kanilang pabag-sakin ang RFM-Swift, 65-57.
Bunga ng kanilang panalo sa huling laro, inaasahang eksplosibong opensa ang ibabalandra ng ABS-CBN upang makasabay sa hamong ibibigay ng SMC na siguradong ang kanilang game plan ay naka-pokus sa limang ex-PBA veterans na sina Hector Calma, Allan Caidic, Art dela Cruz, Siot Tanquincen at ang tinaguriang "The Skywalker ng PBA na si Samboy Lim na maganda ang ipinakita sa kanyang debut noong nakaraang Sabado nang kanyang pangunahan ang SMC-quintet sa ikalawang panalo.
Samantala, hindi rin matatawaran ang kakayahan ng UCPB bagamat nakalasap na sila ng dalawang sunod na talo, inaasahang gagawa ito ng agresibong hamon upang supilin ang pagragasa ng STARmen.
Gayunman, nakahanda itong balikatin ng tropa ni coach Noli Hernadez at siguradong mangunguna sa kanilang kampanya sina Joey Viduya, Alfred Bartolome, Sonny Oriondo, Noli Lapena, Jon de Guzman at iba pa para isulong ang Phil. Star sa ikatlong sunod na tagumpay.