^

PSN Palaro

The Philippine Star Friendship League: Phil. Star, SMC target ang ikalawang panalo

-
Isang panibagong mahigpit na pagsubok ang nakatakdang suungin ngayon ng Philippine Star sa kanilang pagtatangkang maisukbit ang ikalawang sunod na panalo, habang magaang na landas naman ang tatahakin ng San Miguel Beer para rin sa puntiryang ikalawang dikit na panalo kung saan mag-dedebut si Samboy Lim sa magkahiwalay na laban sa pagbabalik aksiyon ng The Philippine STAR Friendship Games sa Meralco gym.

Unang mapapasabak sa aksiyon ang STARmen na sasagupa kontra sa matikas ring RCBC na naghahangad ding maduplika ang kanilang unang panalo noong opening, sa pang-alas-8:30 ng umagang duwelo.

Susunod ang Beermen na makikipagtipan sa UCPB bandang alas-10 ng umaga.

Ang panalo ng Beermen at STARmen ang maglalagay sa kanila na pagsaluhan ang pan-samantalang pangunguna sa six-team single-round robin elimination na ito.

Unang nahapit ng Philippine Star ang kanilang panalo nang kanilang bugbugin ang ABS-CBN, 80-61, habang diniskaril naman ng San Miguel ang koponan ng Swift sa iskor na 76-59 sa opening day noong Oct. 13.

Itinakas naman ng RCBC ang 74-61 tagumpay kontra sa UCPB upang samahan ang Beermen at STARmen sa kanilang magandang debut game.

Dahil kapwa galing sa panalo, inaasahang kapwa mataas ang morale ng STARmen at RCBC na papasok sa hardcourt, pero siguradong mas angat ang bench tactician ng host team dahil sa kanilang matinding preparasyon.

Tiyak na isasalang ni coach Noli Hernandez sina Rene Recto, Arnel Ferrer, Jon de Guzman, Alfred Bartolome, Sonny Oriondo at ang kamador sa rainbow area na si Joey Viduya sa opensa para tapatan ang alas ni coach Alvin Antonio na sina Danny Pamilar, Jaime Oliva, Donald Balin at Victor Yadao.

Ang depensa ay iaatang naman ni Hernandez sa mga balikat nina Non Alquitran, Ting Hojilla, Noli Lapeña, Mike Maneze at iba pa.

Sa laban ng Beermen, siguradong muling sasandalan ni playing coach Ira Maniquis ang kanyang mga ex-PBA veterans na sina Hector Calma, Siot Tanquincen, Art dela Cruz at Allan Caidic na nanalasa ng husto sa three-points range kung saan pumukol ito ng limang tres upang pamunuan ang kanyang koponan sa unang panalo.

Sa labang iyon, di nakalaro ang isa pang ex-PBA na si Samboy Lim kaya’t siguradong mahihirapan ang RCBC na makaahon dahil bukod sa inaasahang paglalaro na ng tinaguriang "The Sky-walker" na si Lim, nandiyan pa sina George Ella, Jules Mercurio, Monji Lapez at Jessie Macias na mangangalaga naman sa depensa ng Beermen.

Sa huling laro, mag-uunahan naman ang ABS-CBN at Swift sa pagtatala ng unang panalo sa kanilang pang alas-11:30 ng umagang laban.

ALFRED BARTOLOME

ALLAN CAIDIC

ALVIN ANTONIO

ARNEL FERRER

BEERMEN

DANNY PAMILAR

DONALD BALIN

PANALO

PHILIPPINE STAR

SAMBOY LIM

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with