Naitala ng Phone Pals ang ikatlong sunod na panalo, ikapito sa 9-laro na nagbigay sa kanila ng twice-to-beat advantage na ipinagkakaloob sa top four teams sa pagtatapos ng 13-games elimination.
Nalasap ng Rhummasters ang kanilang ikapitong kabiguan sa siyam na laro na lalong nagbaon sa kanila sa pangungulelat at ngayoy puwersadong ipanalo ang huling apat na laro upang manatili sa kontensiyon.
Sinamantala ng Talk N Text ang patuloy na pagkawala ni Eric Menk na kanilang sinabayan ng pagbasag sa full court press upang dominahin ang laban.
"Ang malaking key sa panalo namin ay yung na-break namin ang press," pahayag ni Phone Pals coach Louie Alas na walang pinipiling puwesto sa susunod na round.
Binuksan ng Phone Pals ang labanan sa paghawak ng 13-puntos na kalamangan sa pagtatapos ng unang canto, 23-10 kung saan nalimitahan sa 4-of-17 field goal ang Tanduay habang binanderahan naman ni Paul Asi Taulava ang 10-of-19 shooting sa pag-ani ng 10-puntos katulong si Norman Gonzales na may 8-puntos.
Hindi na binigyan pa ng pagkakataon ng Phone Pals na makabalik sa laro ang Tanduay nang kanila itong tambakan ng 22-puntos sa ikatlong quarter kung saan humataw si import Brandon Williams ng 15 sa kanyang tinapos na 29-puntos.
Pinangunahan ni Williams ang umaatikabong 17-4 run upang ibandera ng Talk N Text ang kanilang pinakamalaking kalamangan na 65-43 na naibaba lamang ng Rhummasters sa 10-puntos, 70-80.
Nanatili ang composure ng Phone Pals sa huling bahagi ng labanan upang mapreserba ang kanilang panalo.
Habang sinusulat ang artikulong ito ay hangad namang masungkit ng Sta. Lucia Realty ang unang twice-to-beat advantage sa kanilang pakikipaglaban sa Batang Red Bull bilang main game kagabi.
Samantala, magsasagupa naman ang Ba-rangay Ginebra at Shell Velocity sa kanilang out-of-town game sa Balanga Peoples Center sa Bataan sa alas-4 ng hapon.