Bagong import ng Aces ipaparada laban sa Tanduay

Sa pagbabalik laro ni Eric Menk para sa Tanduay Gold Rhum, bagong import naman ang isasalang ng Alaska Aces sa katauhan ni Ron Riley sa pagdako ng aksiyon ng PBA Governors Cup sa Cebu City.

Magsasagupa ang RhumMasters at Aces sa ganap na alas-4:00 ng hapon sa New Cebu Coliseum.

Matapos mabigong bigyan ng panalo ng nagretiro nang si Sean Chambers at Dexter Boney, hangad ng Aces na matikman ang unang panalo matapos ang limang sunod na kabiguan.

Matapos ang mahabang pagkawala sa sirkulasyon, maglalaro na ngayon si Menk at inaasahang maiaangat nito ang Rhumasters na nakalugmok sa 1-4 kartada.

Si Menk ay malaking tulong kay import Billy Thomas na magbibigay ng mahigpit na hamon sa debut game ni Riley.

Show comments