MBA 2nd Phase: Ika-4 panalo tangka ng San Juan vs. Davao Eagles

Ikaapat na panalo ang sisikaping maitala ng San Juan Knights sa muli nilang paghaharap ng TPG Davao Eagles sa pagpapatuloy ng MBA Second Phase sa Tinga Gym sa Taguig ngayon.

Nakatakda ang laban ng Knights at Eagles sa alas-3 ng hapon kung saan nais ng San Juan na maduplika ang kanilang unang pangingibabaw sa Davao nang kanila itong igupo sa iskor na 108-81 noong nakaraang Biyernes.

Galing ang San Juan sa 104-80 tagumpay kontra sa Nueva Ecija Patriots noong Miyerkules, siguradong nasa mataas na morale ang tropa ni coach Philip Cezar at kanilang mahahapit ang ikaapat na panalo na siyang magpapaganda ng kanilang kasalukuyang 3-1 karta,

Isa sa magiging problema ng Eagles ay ang pagbabalik aksiyon ng 6-4 power forward na si Gilbert Castillo na pinatawan ng one-game suspension bunga ng punching foul kay Richard Caliao ng Davao sa huling laro.

Kailangan ng Eagles na maglatag ng mahigpit na depensa upang mapigilan ang pananalasa ng Knights.

Sa isa pang laro, haharapin ng Cebuana Lhuillier ang cellar dweller Socsargen-Taguig na wala pang panalo sa 5-laro, sa alas-5:30 ng gabi.

Gaya ng Knights, paborito rin sa labang ito ang Gems na maghahangad na maipinta ang kanilang ikaapat na panalo upang masolo ang pangunguna sa Southern Conference.

Inaasahang babanderahan nina Peter Naron, Stephen Padilla, Al Solis, Homer Se at Joey Santamaria ang Gems.

Samantala, dahil sa kagustuhang mapalakas pa ang kanilang kampanya, hinugot ng Marlins ang serbisyo ng 6-foot-2 na si Arnold Rodriguez, dating manlalaro ng Shell Velocity sa PBA kapalit ni Edwin Pimentel.

Show comments