San Sebastian ang NCAA Champion

Lumaro ng impresi-bong depensa at opensa ang San Sebastian College upang paluhurin ang Jose Rizal University, 92-65 upang makopo ang titulo sa NCAA National Collegiate Athletics Association men’s basketball tournament sa Rizal Memorial Coliseum.

Pinangunahan ni Mark Macapagal ang Baste sa paghakot ng 21-puntos at 8-rebounds nang magpamalas ng malabakod na depensa ang Stags na nagpahirap sa Heavy Bombers.

Tinanghal na Most Valuable Player ng serye si Christian Coronel na tumapos ng 11 puntos at 11 assists para sa San Sebastian na nagselyo ng best-of-three serye sa 2-1 panalo-talo.

"Maganda ang naidulot ng two-day break, we were able to study JRU’s plays and of course, remedy our own lapses and build up the stamina to contain their (JRU) running game," Stags coach Turo Valenzona.

Ito ang ika-10 titulo ng Stags sa NCAA at ang kanilang unang korona matapos maitala ang five-peat noong 1997.

Napaka-epektibo ng opensa ng Stags lalo na sa second half nang di na nakaporma ang Jose Rizal.

Di gaya ng Game-Two kung saan nagpamalas ng impresibong laro ang Bombers, nalimitahan lamang ang JRU sa 2-of-18 mula sa triple area at 17-of-54 mula sa field.

Umabante lamang ang Jose Rizal sa 16-13 at huling nakalapit sa 40-49 bago pagtulungan nina Macapagal at Leo Najorda ang 13-4 run para sa 62-44 kalamangan.

Nasiguro ng Baste ang tagumpay nang kanilang iposte ang 85-48 pangunguna, 2:38 na lamang ang oras sa laro.

Show comments