Sharma ng DLSU sinuspinde ng UAAP technical committee

Sinuspindi ng isang laro ang rookie center ng De La Salle University na si Carlo Sharma ng UAAP technical committe sanhi ng panununtok nito kay Richard Alvarez ng Ateneo sa third quarter ng Game One ng kanilang best-of-three finals noong nakaraang Huwebes sa Araneta Coliseum.

Bunga nito, hindi makakalaro si Sharma, na humakot ng limang rebounds at umiskor ng anim sa kanyang 10 puntos sa final canto sa 74-68 panalo ng Green Archers sa Game Two sa Huwebes kung saan tangka ng defending champion na ma-sweep ang korona sa ikaapat na sunod na pagkakataon.

Sa pulong ng technical committee na binubuo ng mga kinatawan mula sa Adamson, NU, UE, UP at La Salle na hindi bumoto para sa nasabing kaso, tatanggap din ng sermon si Enrico Villanueva sanhi ng second motion kay DLSU Manny Ramos sa third quarter rin ng Game One, habang pinagsabihan naman si Ateneo coach Joe Lipa bunga ng kanyang pagrereklamo sa mga press sanhi ng officiating.

Ito ang ikatlong unsportsmanship act ni Villanueva sa season kung kaya’t ang 6’5 na si Villanueva na siyang lider sa players’ average ay talsik na para sa karera ng MVP.

Samantala, ihahayag din bago magsimula ang Game Two ang Most Valuable Player ng 64th UAAP season at ng anim na iba pang special awards.

Show comments