Nakatakda ang sagupaan ng dalawang koponan simula sa alas-3:30 ng hapon at ito ay live na ipalalabas ng Media Conglomerates Inc., sa pamamagitan ng Silverstar Communications Inc., sa NBN-4.
Maghaharap din ang Letran Squires at ang San Beda Red Cubs sa panimula ng kanilang sariling best-of-three titular showdown para sa NCAA juniors crowns sa ala-1:30.
Pararangalan rin ng NCAA ang mga mahuhusay na manlalaro ngayong season sa paggagawad ng Individual Players Achievement Awards--itoy ang Most Valuable Player award, Rookie of the Year award, Best Defensive Player, Most Improved Player at Five Outstanding Players awards.
Umaasa ang Jose Rizal University na mawawakasan na ang kanilang 29-taong tagtuyot sa titulo upang maging ikaanim na korona sa kasaysayan ng NCAA.
Dahil sa kanilang naitalang dalawang panalo sa elimination round kontra Baste, kumpiyansa si coach Boy de Vera na magiging paborito ang Heavy Bombers para sa titulo.
Unang nakaungos ang Heavy Bombers sa 55-54 kontra sa Stags noong opening, bago sinundan ito ng 81-75 tagumpay noong September 15.
Gayunman, nangangamba pa rin si de Vera kung tao-sa-tao ang pag-uusapan, dahil nakakatiyak siya na magiging mahigpit ang kanilang labanan ng Stags kung saan kulang sila ng isang lehitimong sentro upang siyang tumapat kay Paul Reguerra at Pep Moore.
Matatandaan na binigo ng Stags ang Heavy Bombers sa kanilang pagsungkit sa korona noong nakaraang taon matapos na igupo ng dalawang beses sa Final Four.
"Balewala yung dalawang panalo namin sa eliminations dahil iba ang intensity ng isang team kapag nasa finals. Kung tao sa tao, talo kami sa match-up against San Sebastian," wika pa ni de Vera.
"You may say its like the story of David against Goliath. Like David, my boys can easily adjust to any situation. Hopefully makabawi kami sa kanila this time. Hindi naman kami nagkulang sa itaas, and whatever his decision is, well accept it."
Nais naman ng San Sebastian na muling maibalik ang dating tagumpay na kanilang natamasa sa itinalang five-peat feat mula 1993-97.
Batid ni coach de Vera na hindi dapat iisantabi ang championship tradisyon ng Stags at ang author ng nasabing tagumpay ay walang iba kundi si coach Turo Valenzona kung kayat di malayong mangyari ang kanilang inaasam.