Ipinaliwanag ni NCAA Management Committee chairman Alfredo Olano na ang nasabing hakbang ay kanilang ginawa upang mabigyan ang apat na koponan ng sapat na panahon upang mapaghandaan ang kampanya ng juniors at seniors para sa korona.
Orihinal na nakatakda ngayon ang Game-One kung saan maghaharap ang Letran Squires at San Beda Red Cubs sa korona ng juniors sa ala-1:30 ng hapon, habang magtitipan naman ang Jose Rizal University at ang San Sebastian College para sa kanilang sariling best-of-three championship series sa seniors title.
Subalit makaraang okupahan ng JRU Heavy Bombers ang huling finals slot matapos ang 99-75 panalo kontra sa natanggalan ng koronang College of St. Benilde, agad na nagdaos ang NCAA Management Committee ng emergency meeting upang pag-usapan ang kahilingan ng mga koponan na magkaroon ng sapat na panahon upang makapaghanda ng plano para sa finals.
"Obviously, all four team came from hard struggles in the Final Four with just one day of rest from each playdate. They really need time to regain their energies. And with that, NCAA fans and supporters can really expect a blockbuster finals," ani Olano.
"This will also give the teams enough time to scout their rivals and map out their strategies. So expect the finals to be a tough battle of talents and coaching tactics," dagdag pa ni Olano.
Ipalalabas ang 77th NCAA best-of-three championship series ng live ng Media Conglomerates Inc., sa pamamagitan ng Silverstar Communications Inc., ng NBN-4.
Ihahayag din sa Huwebes ng NCAA Management Committee ang Individual Players Achievement Awards. Kabilang dito ang Most Valuable Player, Rookie of the Year, Five Outstanding Players, Most Improved, Best Defensive Player at Sportsmanship Award.