Hindi lang isang katuparan sa target nilang 7 gold medals ang naging produksiyon ng Philippine Track and Field team kundi lagpas pa ng isa.
"Ngayon siguro matatahimik na ang mga kritiko ko na nagsasabing mayabang ako sa paghula na 7 golds ang kukunin namin," anang PATAFA chief na si Go.
"At least ngayon, naibalik ko ang glorya sa athletics at sakaling magretiro ako wala na silang masasabi, dagdag pa ni Go na walang pagsidlan ng kaligayahan sa naging performance ng kanyang mga bata.
Makaraan ang anim na gintong produksiyon ng athletics sa nakalipas na araw, dinagdagan pa ito ng mga marathoners na sina Roy Vence at Christabel Martes makaraang maghari ang dalawa sa marathon na siyang hudyat ng pagtatapos ng athletics competition.
Nakuha ni Vence ang gintong medalya sa bilis na 2:23.51 habang naumit na naman ni Allan Ballester ang silver (2:24.38) para sa 1-2 finish sa kalalakihan ng 42km run sa palibot ng siyudad at nagtapos sa Dataran Merde-ka.
Ang 24-anyos na si Eduardo Buenavista ang tinanghal na double gold medalists makaraang angkinin ang ginto sa 3,000m steeplechase na sinundan ng isang gold sa 5,000m run.
Nag-ambag din ng tig-isang gold sina middle distance John Lozada na sumungkit ng ginto sa 800m makaraang mag-silver sa 1,500m.
Hindi rin nagpahuli sina decathlete Fidel Gallenero, runner Ernie Candelario at heptathlete Elma Muros-Posadas na nag-gold sa kani-kanilang mga events.
Nakaipon naman ng 10 silvers ang Pinoy tracksters na nagdala sa kanila sa second overall makaraang makatabla ang Malaysia sa 8 golds. Tinanghal na overall champion ang Thailand sa kanilang malayong 22 golds na pagtatapos.
Ang iba pang silver medalists bukod kay Lozada ay sina Dandy Gallenero, Geralyn Amandoron, Jobert Deli-cano, Narcisa Atienza, Daud Mama at Lerma Bulauitan at ang 4x400 team relay.