21st SEA Games: 3rd win asam ng RP-5

KUALA LUMPUR (via globe telecoms) - Ikatlong sunod na panalo ang puntir-ya ngayon ng men’s basketball team sa kanilang pakikipagharap sa Thailand, habang makakasagupa naman ng mga women’s basketball team ang host Malaysia sa pagpapatuloy ng basketball competition dito sa 21st Southeast Asian Games.

Muling pamumunuan ni Romel Adducul ang pananalasa ng Pinoy kontra sa Thais na palagiang karibal ng bansa sa larangang ito sa Southeast Asian country.

Magiging tinik sa lalamunan ng Malaysian ang mga Pinoy na naghahari sa larangan ito dito, makaraang matanggap ang balitang tinanggal na ng FIBA ang suspensiyon sa kontrobersiyal na Basketball Association of the Philippines.

Bunga nito, tanging silver na lamang ang aasintahin ng host.

Makaraan ang 112-74 panalo ng Nationals kontra sa Indons at 100-40 pambubugbog sa Vietnam noong Martes, nagpahinga ang RP squad ngayon upang ihanda ang kanilang sarili kontra sa Thais na ayon na rin sa coach ng Malaysia na si Felton Sealy, na dating coach ng Thais, ang siyang magbibigay ng maganda-gandang laban sa mga Pinoy.

Makakaharap ng Nationals ang Thais sa ganap na alas-8 ng gabi pagkatapos naman ng bakbakan ng Philippine women’s team kontra sa Malaysian belles sa ganap na alas-6 ng gabi.

Malinis pa ang baraha ng mga Pinoy habang nadungisan na ang Thailand makaraang daigin sila ng Indonesia noong Martes din.

Muling aasahan ng Thais na panlaban sa mga Pinoy ang mga shooter na sina Pramoch Jantharaniyom, Chainarong Soontreeyapas at Apaipong Netsiriswasan.

Sasandigan ni Zamar bukod kay Adducul sina Reuben dela Rosa at Eddie Laure upang pigilan ang dalawa.

Show comments