Unang makikilatisan ang bagitong import ng Swift Panthers na si Rossel Ellis na mapapasabak sa Sta. Lucia Realty sa pambungad na laban sa ikatlong kumperensiyang ito sa ganap na alas 3:30 ng hapon.
Muli namang masisilayan ang ipinagmamalaking import ng Purefoods TJ Hotdogs na si Derrick Brown, ang Best Import sa kumperensiyang ito noong nakaraang taon.
Mapapasabak ang Purefoods sa Alaska Aces na muling babanderahan ng kanilang resident import na si Sean Chambers sa dakong alas 5:30 ng hapon.
Si Ellis, may taas na 6 2 5/8 ay kikilatisan ng balik import ng Realtors na si Damian Owens, ang pinakamataas sa 10 imports sa kanyang height na 63 7/8.
Ang iba pang bagitong imports ay sina Askia Jones ng Shell Velocity, Mark Jones ng Barangay Ginebra at Brandon Williams ng Mobiline Talk N Text.
Ang mga balik-imports naman ay sina Lamont Strothers ng defending champion San Miguel Beer, Rey Tut ng Commissioners Cup champion Batang Red Bull, at Maurice Bell ng Tanduay Gold.
Magde-debut naman bukas sa Araneta Coliseum sina Askia Jones at Williams sa paghaharap ng Turbo Chargers at Mobiline sa unang laro at ipaparada naman ng Gin Kings si Mark Jones sa kanilang pakikipagsagupa sa Rhum Masters sa ikalawang laro. (Ulat ni Carmela V. OChoa)