Makakasagupa ng CSB Blazers ang PCU Dolphins sa ikalawang seniors game sa dakong alas-5:00 ng hapon pagkatapos ng sagupaan ng kanilang junior counterparts sa alas-3:30 ng hapon.
Sa unang seniors game, maghaharap naman ang San Beda College at Colegio de San Juan de Letran bandang ala-1:30 ng hapon pagkatapos ng engkuwentro ng kanilang junior counterparts sa eksaktong alas-12:00 ng tanghali.
Ang St. Benilde ay may 5-5 record tulad ng Letran habang ang PCU ay may 4-7 kartada gaya ng walang larong University of Perpetual Help-Rizal. Ang San Beda ay kulelat sa kanilang 2-8 record.
Naitala ng Blazers ang kanilang ikatlong sunod na panalo matapos makaganti sa kanilang pagkatalo sa Mapua Institute of Technology sa pamamagitan ng 70-61 panalo noong Huwebes.
Ngunit di dapat pakasiguro ang CSB dahil kagagaling lamang ng PCU Dolphins sa 72-65 paninilat sa San Sebastian College.
Ang Letran naman ay galing sa 83-81 pamamayani upang wakasan ang nine game-winning streak ng JRU kaya naman inaasahang magiging inspirasyon nila ito sa kanilang layuning maulit ang 86-77 panalo kontra sa Bedans.
Nakasilat din ang San Beda sa kanilang huling laro kontra sa Perpetual Altas kaya naman mataas din ang kanilang morale sa pakikipagharap sa Letran Knights.
"The struggle is not over yet. Were not yet in the Final Four so were not yet giving up at this point," pahayag ni Vergeire na hangad makaganti sa kanilang 84-68 pagkatalo sa Dolphins sa kanilang paghaharap sa unang round.
"Following that win over San Sebastian, we learned that we still have big chances of making it to the Final Four dahil dikit-dikit lang ang standings," pahayag naman ni PCU coach Kevin Ramos.