Isinalpak ni Enrile ang kanyang dalawang freethrows mula sa foul ni Rendel dela Rea sa huling maiinit na bahagi ng salpukan ang nagkaloob sa Heavy Bombers ng kanilang kauna-unahang pagkatalo na tumapos sa kanilang siyam na panalo.
Bunga ng panalo, nakatabla naman ang Knights sa ikalimang puwesto sa defending champion College of St. Benilde bunga ng 5-5 karta na nagpalakas rin sa kanilang tsansa na mapasabak pa sa Final Four.
Tumapos si Enrile ng 11 puntos sa likod ng 19 puntos ni Harold Sta. Cruz upang dalhin ang kanilang koponan sa panalo.
Tabla ang iskor sa 81-all, may 1:01 ang nalalabi sa laro, ngunit hindi na nagawa pang makakunekta ng Heavy Bombers matapos na maglatag ng mahigpit na depensa ang Knights.
Sumablay ang unang tangka ng JRU mula kay John Wyne Te, na sinundan ng error ni dela Rea ng matawagan ito ng stepping ng tangkain nitong maagaw ang bola na naging dahilan upang mapasakamay ng Letran ang posesyon.
At sa sumunod na play, hinugutan ni Jason Misolas ng foul si Ariel Capus sa huling 19 segundo, ngunit pawang sumablay ang kanyang dalawang free throws kung kayat nananatiling may pag-asa ang JRU na maagaw ang panalo.
Ngunit pawang nauwi rin sa wala ang pinaghirapan ng JRU matapos na magmintis ang tangka ni Joel Finuliar kung saan dito na nagpakitang gilas si Enrile.
Sa juniors division, nakuha ng Squires ang solong pangunguna matapos na silatin ang Light Bombers, 56-55. (Ulat ni Maribeth Repizo)