Wala nang iba pa kundi si lightwelter Michelle Martinez, police officer ng Support Services ng Camp Crame Head Quarters, ang tanging pag-asa ng bansa sa finals matapos yumukod si lightweight Rosie Villarito kay Wei Qing ng China (16-20) dahil sa kakulangan ng endurance at ang pagsumpong ng kanyang asthma sa huling semifinal match noong Lunes ng gabi.
Nangako si Martinez na ibibigay nito ang lahat ng kanyang makakaya sa finals ngayon upang maisalba sa kahihiyan ang kanyang koponan na pinutakti ng ibat ibang karamdaman.
Ang North Korea ang may pinakamaraming tsansa sa gold medal sa dahil sa kanilang limang finalists kasunod ang China na may tatlo, host Thailand na may dalawa.
Mahigpit na nakipaglaban si Librada Samson kontra kay Zhao Li ngunit pagdating ng ikatlong round ay binigyan ng Intsik ng standing eight count ang Pinoy at itoy sinundan ng isang referee stopped contest.
Nagkasya lamang ang Baguio-base youngster sa bronze medal gayundin ang 17-anyos na si Jouviliet Chilem sa featherweight division matapos itong pabagsakin ng mas malaki at mas mahabang kamay na si Laisham Sarita Devi ng India.
Ang isa pang Baguio based boxer, 17 gulang na si Alice Kate Aparri ay nakalasap din ng 6-14 pagkatalo kontra kay Chou Szuyinms bagamat ang crowd ay kampi sa Pinay.
Ang RP team na nagsanay lamang ng apat na buwan kumpara sa mga kalabang ilang taon nang nagtri-training ay suportado ng Pacific Concrete and Asphalt Mix at ALI Sportswear.