Utos ng Korte Suprema; Jai-Alai puwede ng buksan

Maaari nang buksan ng Philippine Amusement and Gaming Coroporation (PAGCOR) ang larong Jai-Alai matapos na ipalabas ang botong 10-5 desisyon pabor sa Pagcor.

Subalit batay sa 7-pahinang desisyong inisyu kahapon ng Supreme Court (SC) en banc hindi puwedeng sumama sa operasyon ang Belle Jai-Alai Corporations, Filipinas Gaming Entertainment Totalizator Corporations o FIL-GAME o sinumang tao, alinmang asosasyon o entidad.

Ang nasabing desisyon ay bilang tugon ng Korte Suprema sa isinampang motion for clarifications ng PAGCOR, Belle Corporation at ng FILGAME kung saan humingi ng paglilinaw ang mga nasabing respondent.

Binigyang-diin ng Korte Suprema na PAGCOR lamang ang may valid franchise upang mag-operate, magmentina at mamahala ng nasabing laro.

Samantala, itinanggi naman ng Korte ang motion for reconsideration na hinihiling ng mga nasabing respondent na baligtarin ang naging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman noong Nobyembre 29, 2000 kung saan ay inatasan ng Korte ang mga nasabing respondent na tumigil sa pagsasama-sama sa operasyon ng nabanggit na laro.

Magugunita na una ng hiniling nina Representatives Raoul del Mar, Federico S. Sandoval II at Michael Defensor sa Korte Suprema na patigilin ang PAGCOR et al sa pagsasagawa ng nasabing sugal.

"Wherefore, the Court resolves (a) to partially grant the motions for clarification insofar as it is prayed that Pagcor has a valid franchise to, but only by itself (1.e., not in association with any other person or entity," pahayag ng SC.

Ipinagdiinan din ng SC na hindi puwedeng makipag-deal ang Pagcor sa iba pang entities gaya ng mga pribadong kumpanya. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments